Saturday, 20 April 2013
Mga Kalye ng Parramatta (Tagalog Version) - by Diane David
Daang taon ilang araw na ang naganap
Nang kanilang lisanin ang bayang nilingap
Sa ibang lugar, itutupad ang pagkatawag
Bitbit ang pag-asa, tahakin man ay hirap
Subalit walang pangamba,
Sapagkat ang nagdesenyo ay ang Ama.
Sinong makakatalas
Kung si Hesus ang nagbasbas
Lahat magiging maayos
Sapagkat ang Banal na Espirito ang dito’y aagos
Apat na taon at ilang araw na ang nakalipas
Natagpuan ang sarili sa kalyeng pinagsimulan ng lahat
Lahat ng aking tinatamasa, kapalit nang daang taon nilang hirap
Sa kalye ng Parramatta ang lahat nang ito’y unang naganap.
(Kung hindi nila nilisan ang bayan nilang mahal
At sumunod sa utos at tinakda ng Maykapal
Hindi mabubuo ang bansang pinagdalhan sa akin Diyos
Kung saan ang pag-ibig Nya at pag-sinta’y lubos.)
Apat na taon, ilang araw na ang lumipas
Nagugunita pa rin ang animo’y araw ng paglilibing
Kung saan piniling talikdan ang lahat ng akala’y akin
Baon ang luha, hikbi ng bagong simulain
Subalit may hihigit pa ba ga
Sa Kanyang plano at gawa
Dahil ang Panginoon ang siyang may akda,
Kamatayan ma’y buhay ang dala.
Daang taon ilang araw na hanggang sa ngayon
Nang ang katawan nila’y dito inihimlay
Kung saan ang mga misyunero ng mabuting balita
At mga lingkod ng bayan ay isinahukay
Sa kalye ng Parramatta, isang libingang luma.
(kung walang kamatayan, walang bagong buhay,
Kung walang nagbuwis ng sariling kapakanan,
Walang magtatamasa ng kabutihan
Ano pa nga’t ang sakripisyo ay may bunga.)
Daang taon ilang araw ang nakalipas
Daang hirap, araw araw na pagpapagal
Pagbuo ng bayan, kalye at tulay
Nakatanikala man ang mga paa at kamay.
Subalit anumang hirap ay may kapalit
Ang bawat pawis sa mata ng Diyos ay di nawawaglit
Sapagkat sa bawat pagpapagal,
Ganti ng Ama ay siyang naghihintay.
Apat na taon ilang araw na ang nakalipas
Nakita ang sarili sa ilog sa ilalim ng lumang tulay
Isang andamyo, sa kasalukuyan ang nagbigay daan
Sa kalye ng Parramatta, aking natututunan.
(Kung walang mga bilanggong nagpagal,
ang bayang ito ay di mabubuo.
Kung walang gumawa sa nakaraan,
Walang pag-asa ang ating kasalukuyan)
Sa mga kalye ng Parramatta,
Hesus pupurihin Ka!
Sapagkat sa bawat liko, bawat dulo.
Sa bawat ilaw at daloy ng trapiko
Lahat ay nagpapahiwatig ng kaluwalhatian Mo.
Naging malinaw sa aking mata ang lahat ng iyong plano
Tunay ngang pulos kabutihan ang sa aki’y Iyong gusto
Panginoon, sa unang pagkakataon sa apat na taon at ilang araw
Sa kalye ng Parramatta, ang pag-ibig Mo ay natanaw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment