Friday, 24 August 2012

PAG-AARAL KUNG PAANO HAYAANG KUMILOS ANG BANAL NA ESPIRITU

Nais kumilos ni Hesus sa ating mga pagtitipon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.

Ang tangi lamang Nyang hangad ay mabigyan Siya ng panahon para makakilos sa ating mga pagtitipon. At ipinangako Niyang Siya ay kikilos!

Noong si Hesus ay nasa mundo, ang basbas na nasa Kanya ay hindi lamang para mangaral at magturo ng Banal na Salita - nabasbasan din Siya para magpagaling ng mga wasak na puso, magbukas ng mata ng mga bulag at magpalaya ng mga bihag. Ang mga bagay na yaon ay nais pa rin Niyang gawin hanggang sa ngayon! Ang kailangan lang nating gawin ay bigyan Siya ng panahong makakilos sa ating mga pagtitipon - at Siya ay kikilos.

Ayos sa Marcos 16:17: “At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya…”

Pinangako ni Hesus na ang mga tanda ay magsisisunod sa mga magsisisampalataya. Kung nais nating makita na sinusundan tayo ng mga tanda, ang kailangan lang nating gawin sa ating mga pagtitipon ay maglaan ng oras para mapangyari ang mga tanda - at ang mga iyon ay susunod. Ang mga tanda ay magaganap.

Ang ilan sa mga tanda ay ang mga: “…mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika…ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila’y magsisigaling” (Marcos 16:17,18).

Sabi sa talatang 20: “At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.”

Ang mga apostol ay nangaral - kasama nilang kumilos si Hesus, pinagtibay ni Hesus ang mga pangaral sa pamamagitan ng mga tanda.

Kung nais nating makita na sinusundan tayo ng mga tanda, hindi sapat ang basta mangaral - kailangan rin nating bigyan ng panahon si Hesus na kumilos kasama natin at gumawa ng mga tanda pagkatapos nating mangaral.

Ang kailangan lang nating gawin ay bigyan ng panahon ang Panginoon na makakilos - at Siya ay kikilos! Ito'y Kanyang ipinangako!

Sinulat ni Pablo na apostol na ang kanyang mga pangaral ay hindi basta mga salita, bagkus ay kapangyarihan. Ang kanyang pananalita at pangangaral ay pinapatotohanan ng Espiritu at ng kapangyarihan (I Mga Taga Corinto 2:4).

Kung nais mong makita ang pagkilos ng Banal na Espiritu, huwag mong basta wakasan ang pagtitipon pagkatapos ng iyong pangaral. Bagkus, bigyan ang Banal na Espiritu ng panahon para makakilos.

Sinulat ni Pablo na ang Diyos ay naglaan ng mga regalong espiritwal sa Iglesya. Ang Banal na Espiritu ay nakatakdang magpahayag sa Iglesya (I Taga Corinto 12:7).

Ang kailangan lang nating gawin ay maluwag na pahintulutan ang Banal na Espiritu - bigyan Siya ng panahon - at Siya ay kikilos. Siya ay magpapahayag. Magkakaroon ng pagpapatunay.

Ang pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay makakatupad ng mga bagay na hindi kayang makamit ng pangangaral lamang.

Ang pagpapahid o basbas ay makakapaghatid ng pagkatuto sa kasalanan, pangungumpisal, pagsisisi, pagpapatawad, pagpapagaling ng mga pusong wasak, pagkilala sa ng mga espiritu, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapagaling ng mga pusong wasak, pagbibigay ng mga salita ng karunungan at kaalaman, pagbibigay ng pananampalataya, mga propesiya, pagpapagaling, himala, kagalakan, pagtawa, pangitain, pagsasalita sa mga wika at interpretasyon ng mga wika.

Ang Banal na Espiritu ay makakapagpahayag rin ng mga bagong tahakin mg Iglesya ukol sa ministeryo at paglilingkod. Sa ganitong paraan nagsimula ang ministeryo ng Apostol Pablo - sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Banal na Espiritu sa buong kongregasyon. Nais rin magpahayag ng Banal na Espiritu sa ating mga pagtitipon ngayon.

Ang lahat nang ito ay nakakapagpalakas sa Iglesya. Hangad ni Hesus na mapalakas ang kasalukuyang Iglesya. Hangad Niyang maglingkod sa Iglesya. Maglilingkod Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. At ang pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay pinagkaloob sa iyo, sa bawat isa sa atin.

Sinabi ni Hesus: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama” (Juan 14:12).

Ipinangako Niya: “Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin (Juan 14:14).

Kaya pagkatapos mong mangaral, sabihin mo ito:

"Ama, hinihiling namin sa Pangalan ni Hesus, na isugo Mo ang Banal na Espiritu sa pagtitpong ito. Ibinibigay namin sa Iyo ang panahong ito para kumilos. Salamat po Panginoon. Amen."

Pagkatapos, ibigay mo sa Kanya ang panahon para makakilos sa buong kongregasyon. Manatili ka lang sa iyong kinatatayuan at hayaan Niyang hipuin ang buong kongregasyon. Hayaan mo ring hipuin ka Niya.

Huwag kang kumilos o magsalita ng kahit ano, malibanng pangunahan ka ng Banal na Espiritu. Huwag mong pangunahan ang kongregasyon sa pag-aawitan sa pagkakataong ito - ang pag-aawitan ay maaaring makahadlang sa mga bagay na nais gawin ng Banal na Espiritu. Hayaan lang ang Banal na Espiritu na kumilos sa paraang Kanyang nais, sa sino mang Kanyang nais, sa sinumang nais Niyang gamitin, at hanggang kailan Niya nais.

Pagkatapos maranasan ng kongregasyon ang sariwang pagkilos ng Banal na Espiritu, magkakaroon sila ng tunay na dahilan upang purihin ang Panginoon. Iyon ang tamang oras para magsimulang mag-awitang muli.


Subukan mo ito sa susunod ninyong gawain sa Iglesya, sa pagtitipon ng mga kabataan, ng mga bata, ng mga kalalakihan, ng mga kababaihan, sa panalanginan, sa pulong ng mga grupo, sa pag-eensayo ng pagtugtog, o kahit sa anumang uri ng pagtitipon.

Si Hesus ay sumasaiyo!

Padalhan mo kami ng magandang balita sa mga mangyayari!

Pagpalain Ka!

- isinalin ni D. David

No comments:

Post a Comment